Tuesday, January 10

Panata

Dalawampu't dalawang oras.

Sinasabing ito na ang pinakamahabang prusisyon sa kasaysayan ng kapistahan ng Poong Nazareno sa Quiapo kahapon, ika-9 ng Enero. Ito rin ang sinasabing pinakamalaki, na dinaluhan ng 8 hanggang 9 na milyong deboto.

Ano ang nasa likod ng pagkahaba-haba at pagkatagal-tagal na prusisyon ng Poong Nazareno?

Ang kapistahan ng Poong Nazareno ay ginaganap tuwing ika-9 ng Enero. Ang itim na Nazareno ang patron ng Quiapo. Ang Poon ay galing sa bansang Mehiko, at itinuturing na milagroso sa kadahilanang bago pa man makarating sa bansa ang barkong magdadala sa Poon, nasunog ito at ang Poon lang ang nakaligtas. Pinaniniwalaang umitim ang balat ng Nazareno dahil sa sunog na nangyari. Bukod rito, marami pang istorya ng mga himala ng Itim na Poong Nazareno ang madalas ikwento ng mga deboto.

Hindi ko maiwasang maging emosyonal tuwing mapapanood ko ang prusisyon ng Itim na Nazareno sa Quiapo. Naging deboto rin ang aking mga magulang ng itim na Poon, at meron din akong mga rekoleksyon ng pagsimba sa Quiapo noong aking kabataan. Higit pa rito, naging saksi rin ako ng ilang prusisyon ng Nazareno noong ako'y nasa kolehiyo. Dahil taga probinsya at nabibilang sa "low middle class", tumira ako sa aking isang lola sa Quiapo sa buong panahon ng aking pagko-kolehiyo. Ang "boarding house" na tinirahan namin ng aking mga pinsan (inuupahan ng aking lola) ay malapit lang sa isa sa mga kalye na dinadaanan ng prusisyon, at dahil doon ay ilang taon din akong naging saksi sa prusisyon ng Poon. Kahit hindi talaga deboto, masasabi kong magkahalong mga emosyon ang aking nararamdaman sa tuwing dadaan ang prusisyon.


Hindi naman kalayuan ang dinadaanan ng prusisyon ng Nazareno, hindi hihigit sa 4 na kilometro sa aking tantya. Nagtatagal lang talaga dahil sa usad-pagong na lakad ng milyun-milyong namamanata. Bukod pa rito, sadyang napakahaba ng prusisyon. Bukod sa milyun-milyong deboto na kasama sa prusisyon, daan-daang mga banda ng mga musikero at iba't ibang grupo ang ipinadadala ng mga deboto para sumama sa prusisyon. Dahil me kasikipan ang mga kalye sa Quiapo, mas bumabagal pa ang prusisyon dahil sa mga taong nasa gilid ng kalsada na matiyagang nagbabantay sa pagdaan ng Poon.

Mahirap ipaliwanag, subalit napakaraming namamanata sa iba't ibang kadahilanan. Nariyang merong gumaling na mahal sa buhay, binigyan ng anak, pinagbigyan ang kahilingan... sa lahat ng ito, isa lang ang aking nakikita - ang pananampalataya ng pinoy ay buhay at walang pinipili: mayaman, mahirap, matanda, bata, lalaki, babae... kahit sino, lahat ay nagkakaisa. Yun marahil ang "moving", ika nga, sa tuwing makikita ko ang prusisyon ng itim na Poon.

Kahapon, nakita na naman  mundo ang debosyon ng pinoy. Kung ganito rin sana sa pulitika at sa ibang paraan ng pag-unlad...

No comments:

Post a Comment